Lalaki, nanaksak ng barbero

Napangitan sa gupit
MANILA, Philippines — Sugatan ang isang barbero matapos saksakin sa pisngi ng kanyang naging customer nitong Lunes sa Brgy. Pasong Tamo, Quezon City.
Ayon kay PLtCol. Jefry Gamboa, QCPD Police Station 14 chief, nangyari ang insidente bandang alas-12 ng tanghali sa loob ng barbershop ng 43-anyos na biktima.
Nabatid na hindi nagustuhan ng suspek na si alyas “Eljimm”, 27 ang gupit sa kanya ng biktima.
Umalis pa ito ng barbeshop at makaraan ang 30 minuto ay bumalik at doon inundayan ng saksak ang biktima.
Tumakas pa ang suspek at hinabol ng mga kasamahan ng biktima subalit hindi inabutan habang isinugod naman sa Quezon City General Hospital ang biktima.
Dito na tumawag sa 911 ang misis ng biktima at pagkaraan ng 5 minuto dumating ang mga pulis at isinagawa ang follow up operations. Agad na nasakote ang suspek.
Ayon sa biktima 25 taon na siyang barbero subalit ngayon lamang siya nakaranas nito.
Depensa naman ng salarin, hindi sinunod ng biktima ang gusto niyang gupit kaya sumama ang kanyang loob.
Humingi na ng paumanhin ang suspek pero desidido ang biktima na ituloy ang asunto.
Nahaharap ang suspek sa kasong attempted murder.
- Latest
























