P1 dagdag pasahe hirit ng transport groups
MANILA, Philippines — Isusulong ng transport group sa pangunguna ng grupong Pasang Masda ang P1 provisional fare increase sa mga pampasaherong jeep nationwide.
Ayon kay Obet Martin, national president ng Pasang Masda, magsasampa ang kanilang samahan ng mosyon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para igiit ang P1 provisional fare increase sa mga pampasaherong jeep dahil sa walang puknat na pagtaas ng halaga ng mga produktong petrolyo laluna ng diesel na gamit ng kanilang mga sasakyan.
Binigyang-diin ni Martin na noong nagdaang Hunyo ay iginiit na nila ang fare increase sa LTFRB nang pumalo sa P5 ang taas presyo kada litro ng diesel noong kasagsagan ang tensiyon sa Gitnang Silangan.
Aniya hindi naman naipatupad ang kanilang hiling dahil kumalma na ang presyuhan ng petrolyo nang magkaroon ng ceasefire sa pagitan ng Israel at Iran.
Sinabi ni Martin na nag abiso sa kanila si DOTr Secretary Vince Dizon na magnonormaliza na ang presyo ng petrolyo kaya hindi sila humirit ng taas pasahe pero sa ngayon aniya ay nagkaroon na naman ng patuloy na taas presyo ng petrolyo.
Kahapon ay tumaas ng P1.20 ang kada litro ng diesel, ang ika apat na beses na magkasunod na nagdaang linggo ng oil price hike.
Dahil aniya sa patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo, umaabot na lamang sa P300 hanggang P400 ang take home income ng bawat driver kada araw dahil sa mataas na presyo ng petrolyo at mataas na maintenance expenses ng mga sasakyan.
- Latest



















