Leptos, pneumonia patients dagsa sa ER ng PGH

MANILA, Philippines — Umaapela ang Philippine General Hospital (PGH) sa publiko na sa ibang ospital na lamang muna dalhin ang mga pasyente bunsod ng pagtaas ng mga dinadalang pasyenteng may leptospirosis at pneumonia.
Hinihikayat ng PGH ang mga pasyente na maghanap muna ng ibang ospital na maaaring magbigay ng agarang serbisyo sa inyo.
Batay sa ulat, umabot sa 400% ang mga pasyenteng dinala sa ER ng nabanggit na pampublikong pagamutan, na ang kapasidad ay nasa 75 katao lamang.
Kaugnay nito, siniguro naman ni Department of Health (DOH) Secretary Teodoro Herbosa na handang tumulong sa PGH ang mga DOH-run hospitals at mga ospital ng Government-Owned or Controlled Corporation (GOCC) sa National Capital Region.
Sinabi naman ni Herbosa na bukas at handa ang mga DOH hospital pati na rin ang apat na GOCC hospitals na tanggapin ang mga pasyenteng hindi muna matatanggap sa UP-PGH dahil sa panandaliang pagkapuno ng ER nito.
Kabilang sa mga DOH hospitals na maaaring pagdalhan sa mga pasyente ay ang Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital at Sanitarium sa Caloocan City; Las Piñas General Hospital at Satellite Trauma Center sa Las Piñas; San Lorenzo Ruiz General Hospital sa Malabon; National Center for Mental Health sa Mandaluyong; Jose Fabella Memorial Hospital, Jose R. Reyes Memorial Medical Center, San Lazaro Hospital, Tondo Medical Center sa Maynila, Amang Rodriguez Memorial Medical Center sa Marikina; Research Institute for Tropical Medicine sa Muntinlupa; Rizal Medical Center sa Pasig; East Avenue Medical Center, National Children’s Hospital, Philippine Orthopedic Center, at Quirino Memorial Medical Center sa Quezon City; at Valenzuela Medical Center sa Valenzuela habang ang mga GOCC hospitals ay ang Lung Center of the Philippines; National Kidney and Transplant Institute; Philippine Heart Center at Philippine Children’s Medical Center.
- Latest

















