Pangulong Marcos pinangunahan ang Bayanihan sa Estero Program ng MMDA

MANILA, Philippines — Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang inilunsad na “Bayanihan sa Estero Program” ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na naglalayong linisin at mapanatili ang mga drainage infrastructure sa Metro Manila.
Ito’y upang matugunan ang paulit-ulit na pagbaha sa pamamagitan ng paglilinis ng mga daluyan ng tubig mula sa mga burak at solid waste. Ayon sa MMDA target tutukan ng programa ang 273 daluyan ng tubig sa Metro Manila at 23 mga prayoridad na estero na kailangang agarang matanggal ang mga bara.
Natapos na ang paglilinis sa 12 estero na may 881 cubic meters ng basura ang nakolekta. Ang programa, ayon kay MMDA Chairman Romando Artes ay inilunsad sa Pasig City.
Ibinida rin ni Artes na may mga bagong kagamitan para matanggal ang mga estero na pagmamay-ari at pinangangasiwaan ng ahensya, mismo at hindi kinokontrata.
Kabilang sa ahensya ng gobyerno na may kanya-kanyang ginagampanan sa clean up drive sa Metro Manila ay ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa estero rangers; Department of Labor and Employment (DOLE) para sa karagdagang manpower sa pamamagitan ng TUPAD o Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers; Department of Public Works and Highways (DPWH) sa heavy equipment, suporta sa dredging at engineering. Katuwang din sa programa ang DepEd para sa pagpapakalat ng impormasyon at educational campaign.
- Latest


















