Lalaki, bitbit sa gamit na pen gun
Nasugatan na, inaresto pa
MANILA, Philippines — Bagamat sugatan, binitbit pa rin ng mga awtoridad ang isang lalaki nang aksidenteng pumutok ang kanyang dalang pen gun kamakalawa sa Port Area, Maynila.
Kinilala ang suspek na si alyas “Archie”, 28, ng Baseco Compound sa Port Area.
Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD) – Baseco Police Station 13 (PS-13) sa ilalim ng pamumuno ni LtCol. Rommel Anicete, alas-10:40 ng gabi nang maganap ang insidente sa harapan ng tahanan ng suspek.
Kasalukuyang nagsasagawa ng anti-criminality operation sa lugar ang mga pulis na sina PSSg Beverly Canlas, PSSg Reuben Macalalad at Pat Christian Eric Buatis ng Sector-2 Unit ng PS-13, nang makarinig sila ng putok ng baril.
Nang alamin ang pinagmulan ng putok, nakita ng mga pulis si alyas “Archie”, na nakaupo sa pavement habang duguan ang kanang kamay na may hawak na isang pen gun. Agad na kinumpiska ng mga pulis ang pen gun at dinala ang suspek sa Ospital ng Maynila para lapatan ng lunas.
Kaagad din namang inaresto ng mga pulis ang suspek matapos itong gamutin ng mga doktor nang madiskubreng siya ang nagma-may-ari ng pen gun na aksidenteng pumutok habang hawak niya.
Ang suspek ay mahaharap sa kasong illegal discharge of firearms at paglabag sa Republic Act 10591 o The Comprehensive Firearms Law and Ammunitions sa piskalya.
- Latest




















