7-anyos batang babae patay sa sunog

MANILA, Philippines — Isang 7-anyos na batang babae ang nasawi sa naganap na sunog na nakaapekto sa tinatayang 43 pamilya sa residential area, sa Brgy. Talon Uno, Las Las Piñas City, Linggo ng hapon.
Ayon kay Barangay Talon Uno Chairwoman Irene Gallardo na ang biktima ay posibleng binawian ng buhay dulot ng suffocation.
Nabatid na ang batang nasawi ay naiwan umano sa bahay mag-isa nang magtungo sa simbahan ang mga magulang na kung saan ay ikinandado ang bahay upang di mapasok ng magnanakaw.
Sa inisyal na ulat, sumiklab ang sunog bago mag-alas-3:00 ng hapon na umakyat sa ikalawang alarma sa bahagi ng Ube at Ugnayan St., Golden Acres, Talon Uno, Las Piñas City.
Naging mabilis ang pagkalat ng apoy dahil sa dikit-dikit na kabahayan na pawang yari sa light materials.
Idineklarang fire under control,alas-3:33 ng hapon ng Bureau of Fire Protection (BFP).
Nang mapasok na ang bahay ng biktima, ay natagpuan ang bata sa banyo na may nakabukas na gripo. Hindi naman umano nasunog ang katawan ng bata.
Itinuturong pinagmulan ng apoy ang isang bahay na wala umano ang mga nakatira dahil umuwi ng probinsya kaya pinaniniwalaang may kaugnayan sa kuryente o hindi natanggal na saksak at nag-apoy.
- Latest





















