General Tax Amnesty sa Maynila, umarangkada na
MANILA, Philippines — Inianunsiyo kahapon ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang pormal nang pagsisimula kahapon nang pag-iral ng General Amnesty Program sa lungsod.
Sa kanyang official Facebook account, sinabi ni Domagoso na alinsunod sa naturang programa, iwi-waived na ng lokal na pamahalaan ang lahat ng penalties at surcharges para sa mga hindi nabayarang buwis.
Batay naman sa inilabas na Public Service Advisory ng lokal na pamahalaan, ang City Ordinance No. 9118 o General Tax Amnesty ay iiral mula Hulyo 18, 2025 hanggang Disyembre 31, 2025 lamang.
Sa ilalim ng ordinansa, ang city government ay magkakaloob ng amnesty sa lahat ng business taxes and fees, real property taxes, ordinance violation receipt (OVR para sa traffic violation fees), Engineering Department-Related Fees, Professional Tax Receipt (PTR), Occupation Tax Receipt (OTR) at Health Department-Related Fees.
Kaugnay nito, hinikayat ng alkalde ang mga residente na samantalahin ang pagkakataon at magbayad na ng kanilang utang na buwis sa lokal na pamahalaan.
“Umpisa na po ngayong araw ang General Amnesty Program ng Lungsod ng Maynila! Waived na po ang inyong penalties at surcharges. Kaya, sulitin ang panahon na ito para makapag-yadba!,” ani Domagoso.
- Latest






















