P1.3 milyong shabu nasabat sa 2 ‘tulak’

MANILA, Philippines — Aabot sa mahigit P1.3 milyong halaga ng shabu ang nasamsam mula sa dalawang “tulak” sa buy-bust operation sa Caloocan City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Caloocan Police chief PCol. Joey Goforth ang mga suspek na sina alyas “Amo”, 42, at alyas “Boy”, 19, kapwa residente ng Brgy. 188.
Sa report ni Goforth kay Northern Police District (NPD) Director PBGen. Arnold Abad, alas-5:47 ng hapon nitong Biyernes nang maaresto ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang mga suspek sa Brgy. 188, Tala ng lungsod.
Nauna rito, nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng SDEU hinggil sa pagputok umano ng pangalan ni alyas “Amo” sa pagbebenta ng shabu sa Caloocan North kaya agad nakipag-ugnayan ang mga tauhan ni Goforth sa PDEA bago ikinasa ang buy-bust operation na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek.
Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 205 grams ng hinihinalang shabu na may estimated standard drug price na P1,394,000, buy-bust money na binubuo ng isang tunay na P500 bill at apat na P1,000 boodle money.
Sasampahan ng kasong paglabag sa Sections 5, 11, at 26, Article II under ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa Caloocan City Prosecutor’s Office.
Pinuri naman ni Abad, ang Caloocan City Police Station para sa kanilang dedikasyon at pagsisikap na labanan ang ilegal na droga.
- Latest





















