Obrero todas sa backhoe
MANILA, Philippines — Isang construction worker ang nasawi makaraang tamaan at mapisak ng backhoe na ino-operate ng kanyang kasamahan sa trabaho kamakalawa ng hapon sa Quezon City.
Dead-on-arrival sa TriCity Medical Center sa Pasig City ang biktimang si Manuel Casiro, 41, stay-in sa Chronos Construction site sa Brgy. Ugong Norte, Quezon City.
Nasa kustodiya na ng Quezon City Police District - Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) si Ricky Sorio, 33, ang backhoe operator ng nasabing construction company.
Sa naantalang report, nangyari ang insidente bandang alas-2:15 ng hapon nitong Sabado sa Chronos Construction site sa Brgy. Ugong Norte, QC.
Kapwa nasa construction site at nagtatrabaho ang biktima at suspek nang aksidenteng tamaan ng backhoe ni Sorio si Casiro.
Natumba ang biktima at tinangkang iahon ni Sorio subalit hindi na ito gumagalaw.
Itinigil ni Sorio ang pag-operate sa backhoe at doon nakitang duguan ang biktima kaya agad itong itinakbo sa ospital hanggang sa bawian ng buhay.
Nahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide si Sorio.
- Latest

















