Open University System alok ng PUP
MANILA, Philippines — Pinadaling pag-aaral sa kolehiyo ang inaalok sa kilalang “Pamantasang Bayan” o Polytechnic University of the Philippines (PUP).
Ito ang PUP Open University System, ang “fresh and innovative system” na magbibigay ng mas mataas na serbisyong pang-edukasyon sa paraang naiiba sa pormal, highly structured at classroom-oriented traditional approach, ayon sa naka-post na website ng PUP.
Bukod sa libre ang tuition fee ay flexible rin ang oras ng estudyante.
“Kabilang ang PUP Open University System doon sa libreng tuition na nasa batas natin. Hindi ito yung traditional system na papasok sa araw-araw. Actually meron tayong combination ng synchronous and asynchronous,” pahayag ni Dr. Rudolf Lacerna, ang executive director ng PUP Open University System.
Simula sa dalawang kurso, lumawak na ang sistema sa hindi bababa sa 10 undergraduate na programa kung saan maaaring mag-sign up ang mga aplikante.
Halimbawa sa ilalim ng Business Administration, ang mga aplikante ay maaaring pumili ng mga kurso tulad ng Marketing Management, Office Administration at Tourism Management. Sa mga kursong Komunikasyon, maaaring pumili mula sa Journalism, Advertising at Public Relations. May mga programang Engineering at Information Technology na inaalok din.
Kabilang sa mabibigyan ng oportunidad sa programa ang mga working parents na nais ipagpatuloy o tapusin ang kanilang pag-aaral na hindi kailangang lumiban o mag-leave sa trabaho, tinatanggap din ng Open University ang mga Persons with Disabilities (PWDs), Persons Deprived of Liberty at mga survivor ng malubhang sakit. Wala ring limitasyon sa edad.
Sinabi ni Lacerna na kailangan lamang ng mga aplikante na makapasa sa entrance examination at magsumite ng ilang mga kinakailangan dokumento tulad ng birth certificate, credentials mula sa high school kung saan sila nag-aral na naaayon sa curriculum noong sila ay nag-enroll.
- Latest















