Senior citizen patay sa sunog
MANILA, Philippines — Patay ang isang 72-anyos na lolo makaraang ma-trap sa sunog sa isang residential area, sa Sta. Mesa, Maynila nitong Biyernes ng gabi.
Kinilala ang nasawing biktima na si William Deneros Sr., batay sa pagkumpirma sa Bureau of Fire Protection (BFP) ng maybahay nito na si Lolita Deneros, 71-anyos, residente ng No. 3992 V. Mapa St., Barangay 596, Sta. Mesa.
Sa report ni Fire Officer 3 Michael Cabase, sumiklab ang sunog alas-9:10 ng gabi na umakyat lang sa ikalawang alarma bago idineklarang fire-out alas-10:10 ng gabi.Umalalay din ang V. Mapa Police Community Precinct sa pagresponde ng 29 fire trucks ng BFP at fire volunteers groups at ambulansya para maapula ang sunog.
Nagsimula umano ang apoy sa ika-3 palapag ng bahay na pawang yari sa light materials at nagdamay ng dalawa pang katabing bahay.
Nabatid mula sa pahayag ng ginang na ang kaniyang mister ay nakainom ng alak at lasing ay naiwan habang ang kaniyang apo ay masuwerteng nakatalon dahil sa nasusunog ang hagdanan nila.
Umaabot naman sa 12 pamilya ang naapektuhan ng sunog habang tinatayang nasa P250,000 ang halaga ng pinsala.
- Latest

















