LTFRB sinuspinde lahat ng bus ng Solid North

MANILA, Philippines — Sinuspinde ng 30 araw ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang lahat ng bus ng Solid North matapos ang madugong karambola ng limang sasakyan nitong Huwebes ng tanghali sa Tarlac City.
Ayon kay LTFRB Spokesperson Atty. Ariel Inton, sangkot man sa aksidente o hindi, kailangan na suspendihin ang mga bus alinsunod na rin sa ipinatutupad na regulasyon ng ahensiya.
Kasabay nito, pinababayaran din ng LTFRB sa Passenger Accident Management and Insurance Agency (PAMI) ng tig-P400,000 ang mga nasawi habang P200,000 naman sa mga sugatan.
Sinabi ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz, inatasan na nila ang PAMI na tukuyin ang mga nasawi upang agad na maibigay ang nararapat na insurance claim ng mga namatay sa aksidente sa Tarlac City Toll Plaza sa Subic-Clark-Tarlac Expressway. Nasa 10 ang sinasabing namatay habang nasa 37 ang sugatan.
Matatandaang sinalpok ng Solid North bus ang mga sasakyan kanyang unahan na nakapila sa Tarlac City Toll Plaza.
Samantala, 15 public utility bus na nasangkot sa iba’t ibang aksidente ang sinuspinde ng LTFRB.
- Latest


















