8 pulis EPD kinasuhan ng kidnapping, robbery

MANILA, Philippines — Pormal nang kinasuhan sa korte ng kidnapping at robbery ang walong miyembro ng Eastern Police District-District Special Operations Unit (EPD-DSOU) matapos makakita ng sapat na basehan o probable cause ang state prosecutors kaugnay sa iregularidad na operasyon at pagdakip sa isang negosyanteng Chinese, sa Las Piñas City, kamakailan.
Sinabi nitong Biyernes ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director, PMGen. Anthony Aberin, na isinampa laban sa mga pulis ng Las Piñas Office of the City Prosecutor noong Huwebes (Abril 10) ang mga nabanggit na kaso.
Nag-ugat ang mga kaso sa pagsisilbi ng diumano’y bogus warrant of arrest noong Abril 2.
Kabilang sa reklamo ng biktima at mga kaanak ang pagpapasara ng Closed-Circuit Television (CCTV) camera, sapilitang binuksan ang kanilang mga vault, at kinuha ang Philippine Peso, US dollars, at Malaysian ringgit, alahas at mga gadgets na tinatayang may kabuuang halaga na P85-milyon.
Ani Aberin, na hindi pagtatakpan ang mga maling gawain ng kaniyang mga tauhan.
“We will closely monitor the progress of these criminal cases and we shall ensure that the administrative investigation will result in their dismissal from the service, based on evidence and due process of law,” aniya pa.
Samantala, ang hepe ng DSOU na si PMajor Emerson Coballes na hindi pa rin nagdu-duty ay idineklarang AWOL.
- Latest
















