Binata tinubo, sinaksak ng 7 magkakaanak, todas!
Biruan nauwi sa rambol
MANILA, Philippines — Basag ang ulo ng isang lalaki na agarang ikinasawi nito habang sugatan ang kaniyang kaibigan makaraan silang kuyugin ng pitong magkakamag-anak na nauwi sa rambulan dahil lang umano sa simpleng biruan, sa isang compound sa Brgy. Maysilo, Malabon City, Biyernes ng madaling-araw.
Kinilala ang nasawi na si Cristan Dizon Sevilla, 22 taong gulang na nagtamo ng saksak sa katawan at basag na basag din ang ulo nito nang paluin ng matigas na bagay ng kanilang mga nakalaban.
Sa report ni Captain Roger Perez, Sub-Station 3 commander ng Malabon City Police, nangyari ang insidente habang naglalakad ang limang magkakaibigan papasok sa compound ng mga suspect sa nasabing lugar.
Ayon kay Perez, ang insidente ay nakunan pa ng CCTV kung saan pinaulanan ng mga bote ang limang magkakaibigan, dinaluhong ng mga suspect, binugbog at pinagpapalo pa ng tubo sa ulo na ikinasawi ni Sevilla habang ang isa pa sa mga kaibigan nito ang nasugatan.
“Namatay sa palo si Sevilla na basag na basag ang ulo,” saad ng opisyal. Sa inisyal na pagsisiyasat, nagsimula ang gulo dahil sa biruan ng magkabilang grupo kung saan idinulog ito sa barangay at pinagkasundo na sila.
Depensa naman ng isa sa mga suspect, hinabol ng magkakaibigang biktima ang isa nilang kamag-anak na tumakbo papasok sa compound at bunga nito ay nagsimula ang rambulan. Pero, itinanggi ito ng mga biktima na iginiit na inakala nilang ayos na ang lahat kaya sila sumunod sa nasabing compound pero bigla silang pinagbubugbog, pinagpapalo at sinaksak pa ang isa na ikinasawi nito.
Dahil sa pagkasawi ni Sevilla, determinado ang pamilya nito na sampahan ng kasong murder ang mga suspect.
- Latest



















