Mayor Joy pinangunahan proclamation rally ng Serbisyo sa Bayan Party

MANILA, Philippines — Pinangunahan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang isinagawang proclamation rally kahapon kasama ang mga kandidatong kaalyado sa ilalim ng Serbisyo sa Bayan Party kabilang ang pamangkin at re-electionist na si 2nd District Councilor Mikey Belmonte sa Quezon Memorial Circle sa lungsod.
Sa kanyang pagsasalita sa harap ng may halos 2,000 residente ng QC, sinabi ni Belmonte na tumatakbo para sa kanyang ikatlong termino, mananatili ang kanyang commitment para magkaroon ng isang transparent at tamang paggamit ng pondo ng bayan.
Napatunayan na ito ng lokal na pamahalaan sa ilalim ng kanyang pamumuno nang tanghalin ang QC sa tatlong beses na magkakasunod na pagkakataon ang unqualified opinions mula sa Commission on Audit mula taong 2020 hangang 2022.
Iniulat din ni Belmonte ang naging paglago ng pondo ng QC na mula sa P19 bilyon noong 2018 ay naging P41 bilyon nitong 2025 dahil sa pinahusay na tax collection ng lokal na pamahalaan ng QC.
Oras na muling mahalal na Mayor ng QC, tiniyak ni Belmonte sa lahat ng QCitizens na sa loob ng susunod na taong termino ay makakaasang ang lahat ng QCitizens ay naka-enroll sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) kasama na ang mga residente na hindi kayang magbayad para dito.
Dodoblehin din aniya ni Belmonte ang bilang ng mga scholars na pagkakalooban ng stipends at tuition fee discounts sa mga qualified na mag-aaral ng QC, pagpapatayo ng dalawa pang bagong ospital sa Tandang Sora at dagdag na pasilidad sa Quezon City General Hospital at pagpapalawak ng urban farms at magtatayo ng mas malaking parke sa Batasan Hills bilang dagdag na mapupuntahan ng mga pamilya at kabataan ng QC.
Makaraan ang proclamation rally sa QC Circle, agad na umarangkada ang motorcade ng lahat ng mga kandidato ng Serbisyo sa Bayan Party na umikot sa ibat ibang mga lugar sa QC kasama ng mga kandidato sa Congressional seat at mga konsehal ng anim na distrito ng lungsod.
- Latest
















