Pasaway na driver ng DAR, sinibak ni Estrella
MANILA, Philippines — Sinibak ni Agrarian Reform Secretary Conrado M. Estrella III ang driver ng Department of Agrarian Reform (DAR) nang tumakas mula sa mga traffic enforcers matapos itong ma-flag down dahil sa paglabag sa batas-trapiko sa Quezon City noong Huwebes.
Ang hakbang ay agad na iniutos ni Secretary Estrella kay Assistant Secretary Ubaldo R. Sadiarin Jr., ang supervisor ng driver na si Russel Smith, na tiyaking ang empleyado ay sumuko sa mga awtoridad at ganap na tanggapin ang pananagutan sa kanyang paglabag.
Nang huhulihin ng mga traffic enforcers ay ginamit pa umano ng driver ang pangalan ng Kalihim. Si Smith ay isang itinalagang Administrative Support Staff IV na Contract of Service worker sa ilalim ng opisina ni Asst. Secretary Sadiarin.
“Sisantihin siya! Tinuruan ako ng aking mga magulang at lolo’t lola na gawin ang tama. Wala akong escort na mga pulis, at hindi ko kinakampihan ang maling paggamit ng aking pangalan,” ayon kay Estrella.
Si Smith ay na-flag down ng mga enforcers ng Quezon City noong Huwebes dahil sa iligal na pagparada o illegal parking ng gamit na sasakyan sa kahabaan ng Timog Avenue. Makikita sa nakuhang video ng pangyayari ang pagtanggi ni Smith na magpakita ng kanyang lisensya bago kumaripas paalis.
Inihayag ng Kalihim na irerekomenda niya ang pagsasampa ng kaso laban kay Smith at kung may sapat na ebidensya ang Quezon City Police Department ay maari na nila itong gawin.
- Latest

















