MANILA, Philippines — Pinadlock ng Department of Information and Communications Technology (DICT), National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) ang 11 scam hubs sa Pilipinas bunsod ng patuloy na fraudulent digital operations sa bansa.
Ang pagpapasara ay kasunod ng ulat ng National Telecommunication Commission (NTC) hinggil sa text scams.
Ayon sa NTC nakapag block na sila ng 2.2 bilyon fraudulent SMS messages, 2.3 milyon SIM cards deactivated at may 10.8 milyon numbers ang blacklisted.
Pinaigting na rin umano ng ahensiya ang paghihigpit sa mga telecommunications companies sa pagpapalabas ng SIM card upang maingatan ang kapakanan ng mamamayan mula sa text scam.
Ang NTC ay nagpapatupad ng paghihigpit sa mga Telcos tulad ng pagsasagawa ng advanced identity verification technologies gaya ng selfie capture, facial recognition at limited retries para sa ID submissions para labanan ang text scam.
Gumagawa rin umano ng mga paraan ang NTC kung paano maiiwasan ang patuloy na text scam kahit na may SIM registration.
Sa findings ng NBI Cybercrime Division kamakailan na may loopholes sa proseso ng SIM registration kayat posible na magkaroon ng mga fake identities at pagrehistro ng SIM cards gamit ang hindi verified na detalye kagaya na lamang nang mapaulat noon ang litrato ng isang matsin (monkey) bilang proof of identity ng Sim card.