MANILA, Philippines — Tigok ang isang mangangalakal ng basura nang saksakin ng kanyang kabaro matapos umano siya i-bully sa Sta. Ana, Manila, kamakalawa ng gabi.
Tinangka pa ng mga doktor ng Sta. Ana Hospital na isalba ang biktimang si Allan Yson, 45, ng Familia Sagrada St., San Andres Bukid, ngunit binawian din ng buhay dahil sa tama ng saksak sa kaliwang dibdib.
Samantala, nakatakas naman at tinutugis na ng mga awtoridad ang suspek na si Fernando Murillo, alyas ‘Bisaya,’ na kapitbahay ng biktima.
Lumilitaw sa ginawang pagsisiyasat ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, na dakong alas-9:00 ng gabi nang maganap ang krimen sa Onyx St. sa Sta. Ana.
Ayon sa testigong si alyas ‘Ryan,’ bago ang krimen ay magkasama umano sila ng biktima na nangangalakal ng basura sa lugar.
Gayunman, nang makita umano ng biktima ang suspek, na noon ay nangunguha rin ng mapapakinabangang mga kalakal, ay sinimulan na niya umano itong asarin.
Maya-maya ay umalis ang suspek ngunit pagbalik ay may bitbit na itong patalim.
Nagulat lang umano ang biktima at hindi na nagawa pang makalaban nang sugurin siya ng saksak sa kaliwang dibdib ng suspek bago mabilis na tumakas.