Chiefs sumilip ng pag-asa sa semis
MANILA, Philippines — Sumilip ng pag-asa ang Arellano University sa Final Four nang ungusan ang Jose Rizal University, 81-77, sa second round ng NCAA Season 100 men’s basketball kahapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Inangat ng Chiefs ang kanilang kartada sa 6-9 at kailangang walisin ang huling tatlong laro para sa tsansang makapasok sa Final Four.
“Siguro going back to court ulit, trabaho ulit tayo. One game at a time. Iyon naman ang pinakaimportante para iyong pressure mawala,” ani coach Chico Manabat.
Naglista si Basti Valencia ng 25 points, 5 rebounds at 3 assists para ibagsak ang Heavy Bombers sa 4-11 marka.
Bumangon ang Arellano mula sa 12-point deficit, 10-22, sa first period para agawin ang 81-77 bentahe galing sa banked shot ni Valencia sa huling 12.4 segundo ng fourth quarter.
Sa unang laro, binuhay ng Lyceum of the Philippines University ang pag-asa sa Final Four matapos talunin ang San Sebastian College-Recoletos, 93-85.
Kumabig si Renz Villegas ng career-high 25 points para sa 7-8 marka ng Lyceum kasosyo ang Letran sa fifth spot.
- Latest