‘Spaghetti’ pinagtatanggal, inayos sa Caloocan
MANILA, Philippines — Upang masiguro ang kaligtasan ng mga residente, pinagtatanggal ng Caloocan LGU at ng Meralco ang mga tinaguriang “spaghetti” o sala-salabat na mga wire ng kuryente sa Bagong Barrio, Caloocan City.
Ayon kay Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan, ang Anti-Urban Blight (AUB) ay isinagawa sa Katarungan St., Barangay 149 Bagong Barrio kung saan talamak umano ang mga nakalaylay na kawad ng kuryente at mag illegal electrical connections.
Sinabi ni Malapitan na panganib ang dulot nito sa mga residente tulad ng sunog.
“Muli po tayong nagpapasalamat sa Meralco sa pagtulong sa pamahalaang lungsod na panatilihin ang kaligtasan ng mga mamamayan. Kasabay ng pag-aalis ng mga ilegal at buhol-buhol na koneksyon sa mga poste, mas ligtas din ang barangay sa mga aksidenteng makuryente ang mga dumaraan o sa mga kislap na maaaring maging mitsa ng sunog,” ani Malapitan.
Payo ni Malapitan sa mga residente na iwasan ang anumang mga electrical repairs at electrical connections lalo mga poste ng Meralco upang iwas-sunog. Mas makabubuti aniyang itawag ito sa kinauukulan at eksperto upang agad na maisaayos.
- Latest