4 rider patay sa aksidente sa Manila, Quezon City

Dead-on-the-spot ang driver ng motorsiklo na nakilalang si Richard Rivera habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng kanyang angkas.
STAR/File

MANILA, Philippines — Patay ang apat katao matapos ang makakahiwalay na aksidente ng motorsiklo sa Maynila at Quezon City, kahapon.

Dead-on-the-spot ang driver ng motorsiklo na nakilalang si Richard Rivera habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng kanyang angkas.

Batay sa ulat ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), alas-12:20 ng madaling araw nang maganap ang aksidente sa northbound lane ng Mel Lopez Boulevard kanto ng Jacinto St., sa Vitas, Tondo.

Sa kuha ng CCTV camera ng Barangay 105 sa Tondo, Maynila, makikitang mabagal na tumatakbo ang trailer truck sa ikalawang linya ng northbound ng Road 10. Maya-maya ay saglit na tumigil ang truck sa inner lane ng kalsada, malapit sa Jacinto St., dahil sa mga tumatawid na pedestrian.

Nang dahan-dahan nang umusad paabante ang truck, biglang sumulpot ang Yamaha Sniper na sinasakyan ng mga biktima at sumalpok sa likurang bahagi ng truck na ikinasawi ng magkaangkas na biktima.

Samantala, dead-on-arrival sa ospital sina Gilbert Amante Edullantes, 42, at Eduardo Delgado, 50, matapos maaksidente habang sakay ng kani-kanilang motorsiklo sa magkahiwalay na lugar sa Quezon City.

Sa ulat ni PEMS Norlan Margallo ng District Traffic Enforcement Unit-Traffic Sector 3, nangyari ang aksidente kay Edullantes dakong ala 1:30 ng madaling araw kahapon sa Katipunan Avenue (Southbound), Brgy. UP Campus. Sakay ang biktima ng Honda CFT125 (1683 IB) at tinatahak nito ang Katipunan Avenue (Southbound) patungong C.P. Garcia Avenue nang  bumangga ito sa concrete center island at tumilapon sa kabilang  bahagi ng Katipunan Ave na kanyang ikinasawi. 

Sa ulat naman ni PSSg Emmar Bellen Traffic Sector 10 ng QCPD, patay rin si Delgado nang mawalan ng kontrol sa minamanehong Honda Beat sa East Ave., Brgy. Pinyahan, dakong alas-10 ng gabi nitong Linggo habang patungong EDSA at bumagsak sa kalsada saka nagulungan ng isang Isuzu delivery van na minamaneho ni Danny Toling Nestonis, 60, na nagtangka pang tumakas pero naaresto rin ng awtoridad.

Show comments