Mag-asawang OFW, sugatan sa landslide sa Hong Kong

MANILA, Philippines — Masusi nang mino-monitor ng Department of Migrant Workers (DMW), sa pamamagitan ng Migrant Workers Office (MWO) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Office ang kalagayan ng mag-asawang overseas Filipino workers (OFWs) na iniulat na nasugatan sa naganap na landslide sa Hong Kong (HK) noong nakaraang araw.

Ayon sa DMW, ang mag-asawa ay nagtatrabaho para sa isang resort owner sa Sai Kung, New Territories, Hong Kong.

Kasalukuyan umano silang kumukuha ng mga larawan at video upang makita ang lawak ng pinsala na nagawa ng isang rainstorm sa pasilidad ng resort, nang bigla na lang magkaroon ng landslide sa lugar.

Kaagad namang naisugod ang mga biktima sa pagamutan upang malunasan.

Nabatid na ang babaeng OFW ay nagtamo ng sugat sa ulo ngunit nasa maayos ng kalagayan.

Nananatili pa rin umano siya sa pagamutan upang maobserbahan habang ang kanyang mister ay nagtamo ng sugat sa hita at kinailangang sumailalim sa operasyon. Sila ay pinagkalooban na rin umano ng DMW-MWO-OWWA ng paunang financial assistance.

Show comments