PNP-ACG: Kaso ng identity theft, tumaas

MANILA, Philippines — Inihayag ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) na umabot sa 1,597 na kaso ng cyber identity theft ang naitala noong 2023.
Ayon kay PNP ACG Cyber Response Unit Chief PCol. Jay Guillermo, mataas ito ng 12.2% kumpara sa 1, 402 na kaso na naitala noong 2022.
Ani Guillermo, nasa 20 mga suspek na ang kanilang nahuli sa loob ng 2 taon sa pamamagitan ng regular filing, habang ang iba naman ay patuloy na iniimbestigahan.
Sa mga kasong nadulog sa ACG, ang iba ay nasa ilalim ng criteria na ‘beyond police control’ kung saan hindi nakipagtulungan ang complainant dahil sa kabiguang mag-sumite ng requirement, habang ang iba naman ay umatras.
Paliwanag pa ni Guillermo ang cyber identity theft ay nangyayari kapag ang sensitibong impormasyon ng isang indibiduwal ay kumalat sa pamamagitan ng phishing, scams o dahil sa pagdo-download ng malicious software.
Bunsod nito, nakokompromiso ang mga biktima, nagkakaroon ng data breach sa mga website at naha-hack ang kanilang mga social media accounts.
Paalala ng awtoridad, maging maingat sa paglalalagay ng mga personal information upang hindi mabiktima ng cyber identity theft.
- Latest

















