3 Cameroon scammer, tiklo sa CIDG
MANILA, Philippines — Dinakip ng mga tauhan ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang tatlong Cameroon national scammer sa isang hotel sa Makati City nitong Lunes.
Sa koordinasyon ng Bangko Sentral ng Pilipinas, naaresto sina Jacob Bame, 48; Richard Kigin, alyas Slim Sanka, 45; at Emmanuel Asobo Teyim, alyas Jordan Smith, 33.
Ayon kay CIDG Director Police Maj. General Romeo Caramat, dinakip sa ikinasang entrapment operation na inilunsad ng mga operatiba ng Anti-Organized Crime Unit at Intelligence Division ng CIDG sa koordinasyon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) matapos ireklamo ng estafa sa isang “double-your-money” scheme.
Narekober sa mga suspek ang 12 piraso ng pekeng 1,000 peso bill, 100 pekeng US dollar bill, 19 na 1,000 peso bill na pinahiran ng “black and white substance”, isang 1,000 peso bill na kinupas ang kulay, mga blangkong papel na kasukat ng US dollar at peso bill, at samut-saring kagamitan na pang-imprenta ng pekeng pera.
Ang mga suspek ay kakasuhan ng paglabag sa Art. 315 (Estafa), Art. 166 (Forging Treasury Notes), Art. 178 (paggamit ng pekeng pangalan at pagtatago ng pagkakakilanlan) at PD 247 ng Revised Penal Code (RPC).
Sinabi ni Caramat na patuloy ang operasyon ng CIDG laban sa mga mapagsamantala alinsunod sa kautusan ni PNP chief Gen. Benjamin Acorda, Jr.
Nananatili ang kanilang panawagan sa publiko na maging mapanuri at huwag mahulog sa mga kahina-hinalang transaksyon at idulog agad sa kapulisan.
- Latest