8 pulis sa Jemboy slay, pinasisibak ng IAS

MANILA, Philippines — Inirekomenda ng Philippine National Police-Internal Affairs Service (IAS) ang pagsibak sa walong pulis na dawit sa pagkakapatay kay Jerhode “Jemboy” Baltazar noong Agosto 2 sa Navotas City.
Batay sa resolution na inilabas ni IAS Inspector General Alfegar Triambulo, pinasisibak sa serbisyo sina PCapt. Mark Joseph Carpio, PCapt. Luisito de la Cruz,
Executive Master/Sgt. Roberto Balais Jr., Staff Sergeant Antonio Bugayong Jr., Staff Sergeant Gerry Maliban, Staff Sergeant Nikko Pines Esquillon, Cpl. Edmard Jake Blanco at Pat. Benedict Mangada.
Lumilitaw na lumabag sa kasong grave irregularity in the performance of duty and for conduct unbecoming of a police officer sina Balais, Bugayong, Maliban, Esquillon, Blanco at Mangada.
Ayon kay Triambulo, inamin ng anim na sila ang nagpaputok kay Baltazar.
Samantalang pinapanagot naman sa kasong grave neglect of duty sina Carpio at De la Cruz na tumayong team leader ng grupo at may direct supervision sa anim na pulis.
Isinumite na kay National Capital Region Police Office (NCRPO) chief PBGen. Jose Melencio Nartatez, Jr. ang resolution.
Nabatid sa pahayag ng ilang saksi na may intensiyong patayin si Baltazar dahil na rin sa mga tama ng bala sa katawan na nakita dito.
Ani Triambulo, ang ginawa ng mga pulis ay paglabag sa standard operating procedures.
Matatandaang napatay si Baltazar noong Agosto 2 nang habulin umano ng mga pulis ang isang suspek sa pamamaril sa Brgy. North Bay Boulevard South Kaunlaran, Navotas City.
- Latest




















