Sikretong pasugalan sa Valenzuela, itinanggi
MANILA, Philippines — Tiniyak ni Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian na walang “clandestine” o patagong operasyon ng illegal gambling sa lungsod dahil sa regular na inspeksiyong isinasagawa ng mga tauhan ng city hall sa mga establisimyento.
Ang paniniyak ay ginawa ni Gatchalian kasabay ng pagpasa ng ordinansa sa lungsod na nagbabawal sa anumang uri ng sugal at paglalagay ng Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) sa lungsod.
Ayon kay Gatchalian, nagsasagawa rin sila ng mga surprise inspection upang masiguro na hindi nagagamit ang mga establisimyento o lugar sa pasugalan at iba pang illegal.
Binigyan diin ni Gatchalian na prayoridad nila ang pagkakaroon ng isang mabuting Valenzuelanos at walang impluwensiya ng anumang sugal at bisyo. Aniya, kanilang pinaiiral ang moral at social obligation sa kanilang mga residente.
Aminado rin Gatchalian na malaking tulong ang suporta ng 33 barangay chairman upang hindi makapasok ang illegal gambling sa lungsod.
Dagdag pa ni Gatchalian, sapat na ang kanilang kita sa mga pabrika upang maibigay ang nararapat na tulong sa mga Valenzuelanos kabilang ang financial, education, health at maging burial assistance.
“Hindi naming kailangan ang sakla o anumang sugal para matulungan ang mga namatayan. Tinatapatan namin ito,” ani Gatchalian.
- Latest