3 ‘tulak’ huli sa buy-bust
MANILA, Philippines — Kalaboso ang tatlong ‘tulak’ matapos ang isinagawang buy-bust operation ng pulisya kahapon ng madaling araw sa Malabon City.
Kinilala ni Malabon police chief P/Col. Amante Daro ang naarestong mga suspek bilang sina Jay Aspuria, alyas Itek, 22, carwash boy ng Caloocan City; Jeric Nicdao, 21, E-trike driver at Rico Tura alyas Tonton, 35, kapwa ng Malabon City.
Ayon kay Daro, dakong alas-5:30 ng madaling araw nang magsagawa ng buy-bust operations ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Capt. Alexander Dela Cruz sa panulukan ng McArthur Hi Way at Durian Road Brgy. Potrero.
Nakumpirma ng mga awtoridad ang pagbebenta ng ilegal na droga ng mga suspect.
Nang tanggapin ang P500 marked money mula sa pulis na nagsilbi bilang poseur buyer kapalit ng isang plastic sachet ng umano’y shabu, pinosasan ng mga operatiba sina Aspuria at Nicdao, kasama si Tura na sinasabing bumili rin sa kanila ng droga.
Nasamsam sa mga suspek ang humigit-kumulang 6.90 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng 46,920.00 at buy-bust money.
- Latest