Delivery rider, 1 pa tiklo sa P3.4 milyon droga
MANILA, Philippines — Timbog ng mga awtoridad ang isang delivery rider at kasama nito kung saan nasamsam sa kanila ang nasa P3.4 milyong halaga ng droga sa isinagawang buy- bust operation ng mga tauhan ng Novaliches Police Station (PS 4), kamakalawa ng hapon sa Quezon City.
Kinilala ni PLTCOL Jerry Castillo, Station Commander ng PS 4 ang delivery rider na si Bryan Seraspi Perez, 43, nakatira sa Sangandaan Village, Quezon City at kasabwat nito na si Elvis Leyson Alamin, 43, ng Brgy. Pasolo, Valenzuela City.
Ayon kay Col. Castillo, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa isang residente ng Novaliches hinggil sa umano’y pagbebenta ng shabu ng mga suspek kaya agad na ikinasa ang buy-bust operation.
Nabatid na dakong alas-5:10 ng hapon nitong Biyernes noong isagawa ang buy-bust operation laban sa dalawa sa Bistek Village 29, Parking Lot, Placida St., Brgy. Gulod Novaliches, Quezon City.
Isang asset ng pulis ang nangkunwaring bibili ng shabu sa dalawa at habang nag-aabutan ng pera at droga ay saka lumutang ang mga awtoridad at inaresto ang mga suspek.
Bukod sa buy-bust money, nakumpiska rin sa mga suspek ang nasa 500 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P3.4 milyon at dalawang cellular phones na ginagamit sa ilegal na transaksiyon.
Nakakulong ngayon sa QPCD PS4 ang dalawa at nahaharap sa kasong drug pushing.
- Latest

















