MRT-3, hindi ipinagbibili- DOTr

MANILA, Philippines — Hindi ipinagbibili ng pamahalaan ang Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3).
Ito ang ginawang paglilinaw ng Department of Transportation (DOTr) kasunod ng mga naglabasang ulat na ‘for sale’ na umano ang MRT-3.
Ayon kay Transportation Secretary Jaime Bautista, ikinukonsidera lamang nila ang posibilidad na i-turn over ang Operations & Maintenance (O&M) ng MRT-3 sa kuwalipikadong private sector operators upang mapaghusay ang operational efficiency nito.
Binigyang-diin rin naman ni Bautista na ang railway system ay dapat na manatiling pinaka-abot-kaya at pinakaligtas na uri ng mass transit sa bansa.
“We are looking at partnering with private rail operators for DOTr MRT-3’s operations and maintenance under the same scheme with LRT 1 with the rail lines assets remaining government owned,” pahayag pa ni Sec. Bautista.
Anang DOTr chief, inaasahan nilang kapag naisa-pribado ang O&M ng MRT-3 ay higit pang huhusay ang efficiency at safety nito.
Bukod dito, mababawasan din aniya ang operational cost nito upang mapanatili ang abot-kayang pamasahe.
Nabatid na ang operasyon ng railways sa metropolis, kabilang ang MRT-3, at Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) at Line 2 (LRT 2), ay patuloy na sina-subdized ng pamahalaan upang mapanatiling affordable ang pasahe nito.
- Latest

















