2 bayaning aso pinarangalan
MANILA, Philippines — Kaugnay sa pagdiriwang ng International Dog Day, binigyang pagkilala ni Muntinlupa Mayor Ruffy Biazon ang dalawang aso at kanilang handler sa Muntinlupa City K-9 Search and Rescue (SAR) volunteers bilang ‘returning heroes’.
Sina Maxie at Hachi, kasama ang kani-kanilang handler na sina Glicerio Zamora IV at Philip Jason Miranda, at spotter na si Timothy Rambayon, ay kinilala ni Mayor Biazon at Metro Manila Development Authority (MMDA) acting chair Carlo Dimayuga, para sa kanilang papel sa paghahanap ng apat na missing persons sa search and rescue, at retrieval operations noong Hulyo 27, 2022 matapos ang malakas na lindol sa Abra.
Sina Zamora, Miranda, at Rambayon, at kanilang canine counterparts, ay pawang miyembro ng Muntinlupa City K-9 Search and Rescue (SAR) volunteer group na tumulong sa MMDA sa retrieval operations sa mga natabunan ng landslide sa lalawigan ng Abra.
“Dogs are man’s best friend, and these K9 agents are truly commendable for their commitment to save lives,” ani Biazon.
Nabatid na ang Muntinlupa K9 SAR group ay itinatag noong marso 2019 sa pagsisikap ng MMDA K-9 Corps at City Veterinarian Pam Hernadez bilang project head. Si Zamora ang kasalukuyang pangulo ng samamahan.
Kabilang sa mga adbokasiya ng grupo ang pagsulong ng makataong pagtrato sa mga hayop, pag-optimize ng mga kakayahan ng mga K9 para sa mga operasyon ng paghahanap, pagsagip, at pagkuha, at pagpapakilos sa mga mahilig sa K9 tungo sa paghahanda sa sakuna at kamalayan sa kaligtasan.
- Latest




















