2 holdaper ng taxi, timbog
MANILA, Philippines — Nakorner ng mga pulis ang dalawang lalaki na nangholdap sa isang tsuper nang pasukin ng huli ang isang ‘one way’ na kalsada sa Tondo, Maynila kahapon ng madaling araw.
Nakilala ang mga naaresto na si Glen Mark Evasco, 33, at Ryan Medina, 30, kapwa nakatira sa Kawal Purok 1 Brgy. 28, Caloocan City.
Ligtas naman sa kapahamakan ang kanilang biniktima na si Jessie Mejulio, 56, nakatira sa Tomas Claudio St., Brgy. Baclaran, Parañaque City.
Sa ulat ng Manila Police District, pasado ala-1 ng madaling araw nang pumasok sa isang ‘one way’ na parte ng Solis Street ang puting taxi na minamaneho ni Mejulio. Nakuha nito ang atensyon ng mga pulis na nasa lugar kaya pinara ang taxi.
Humahangos na bumaba ng sasakyan si Mejulio at isinumbong na hinoholdap siya. Dito na pinaligiran at tinutukan ng baril ng mga pulis ang taxi hanggang sa maaresto ang dalawang suspek.
Narekober sa kanila ang isang Mini Uzi na may anim na bala at isang replica ng cal. 45 na baril. Nabawi rin sa kanila ang P510 na pera, dalawang piraso ng umano’y pekeng P1,000 bills at isang bag.
Ayon kay Mejulio, pinara siya ng mga suspek sa may Monumento, Caloocan at nagpahatid sa may Pasay. Nang sumapit sa kanto ng Solis Street at Jose Abad Santos Avenue, dito na nagdeklara ng holdap ang dalawa. Hindi nawalan ng loob ang tsuper at ipinasok niya sa ‘‘one way’ street ang taxi para makakuha ng atensyon sa mga awtoridad.
- Latest