Street sweeper binurdahan ng saksak ng pamangkin, todas
MANILA, Philippines — Dahilan lamang sa simpleng pagtatalo, patay ang isang 29-anyos na street sweeper makaraan itong pagsasaksakin ng kaniyang pamangkin sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Namatay noon din ang biktimang si Artjhan Mijares, ng KBS Compound, Kapanalig St. Brgy. 22 ng lungsod sanhi ng tinamong mga saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.
Patuloy namang pinaghahanap ang suspect na kinilalang si Jefferlon Amigan, 20, ng nabanggit ding lugar.
Sa imbestigasyon ni P/Staff Sgt. Rolando King Bautista , bandang alas- 11 ng gabi nang magkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng biktima at ng pamangkin nito.
Ayon kay Bautista, magtatapon sana ang biktima ng kanilang basura bandang alas-11:30 ng gabi sa Talakitok Street nang sundan umano ito ng kanyang pamangkin na armado ng patalim at pinagsasaksak ng sunud-sunod sa katawan.
Bagaman sugatan ay nagawang makatakbo ni Mijares subali’t hinabol pa ito ng suspect at muling inundayan pa ng mga saksak.
Nang matiyak na patay na ang biktima ay mabilis na tumakas ang suspect.
Isinasailalim pa ng pulisya sa masusing imbestigasyon ang motibo ng krimen at patuloy rin ang pagtugis laban sa suspect.
- Latest