Bangko Sentral nagbabala sa ‘pasalo auto scam’
MANILA, Philippines — Nagbabala ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa publiko ukol sa bagong natukoy na ‘pasalo auto scam’, kung saan target ng sindikato na mabiktima ang nais magbenta ng sasakyan at ang nais na bumili nito.
Ang ‘pasalo-benta’ ng mga sasakyan at maging motorsiklo ay nauuso dahil sa ang mga may-ari na hindi na kayang hulugan ang kinuha nilang behikulo Dahil dito ipinapasa o ipinapasalo na nila ito sa iba na gustong magkasasakyan at ibinibigay sa kanila sa mas murang halaga.
Ngunit sa modus ng sindikato, bibilhin nila sa murang halaga ang isang sasakyan pero wala silang intensyon na bayaran ang buwanang amortisasyon o hulog. Muli nilang ibebenta ang behikulo sa ibang buyer gamit naman ang mga palsipikadong dokumento.
“The victim will have no rights over the vehicle which will eventually get repossessed leaving the end-buyer with nothing,” ayon pa sa BSP.
Pinaalalahanan naman ng BSP ang mga bangko sa mahigpit na pagpapatupad at pagpapalakas ng mga regulasyon sa ‘anti-money laundering’ tulad ng: pagtukoy sa pagkakakilanlan at pagberepika sa mga kustomer; pagsubaybay sa mga transaksyon ng mga kustomer; pag-uulat ng mga kahina-hinalang transaksyon; at pagsasanay sa mga katuwang na car dealers.
Isang memorandum na rin ang inilabas ng BSP-Supervised Financial Institutions (BSFIs) ukol sa mga kumikilos na organisadong grupo sa pamamagitan ng auto loans.
Ayon sa PNP, kabilang sa mga pinipeke ng mga sindikato ay ang ‘conduction stickers, plate numbers, identification cards at employment certificates’ sa pamamagitan ng ‘identity theft’.
- Latest