Casualty, sugatan sa drug ops ‘di maiiwasan - Eleazar
MANILA, Philippines — Aminado si Philippine National Police chief Gen. Guillermo Eleazar na may mamamatay o masusugatan sa mas pinaigting na anti-illegal drugs operations sa bansa.
Ayon kay Eleazar, hindi nila kontrolado ang magiging resulta ng operasyon sakaling magkaroon ng matinding sagupaan sa pagitan ng mga operatiba at mga kriminal kaya hindi nila magagarantiya na walang mamamatay o masusugatan.
Gayuman, sinabi ni Eleazar na may direktiba siya na hangga’t maaari ay iwasan ang pagdanak ng dugo sa alinmang drug operations tulad na rin ng mga nakaraang drug operations.
Ito rin ang dahilan kaya purisgido silang simulan na ang paggamit ng body cameras upang mairekord ang bawat kaganapan sa operasyon.
Aniya, accountable at responsable sila sa mga pangyayari at para mabawasan na rin ang mga alegasyon. Ang karapatan ng bawat isa ay may proteksiyon.
Subalit ayon kay Eleazar hinihintay pa rin nila ang protocol mula sa Supreme Court para kanila ng magamit ito sa kanilang mga operasyon.
Sa ngayon naipamahagi na ang nasa 2,696 body cam units sa iba’t ibang police stations sa NCR at maging sa mga city at provincial police office sa buong bansa.
- Latest