2 bebot timbog sa droga
MANILA, Philippines — Dalawang bebot kabilang ang sinasabing ‘striker’ ng Caloocan City Police District Drug Enforcement Unit ang inaresto matapos makuhanan ng shabu sa magkahiwalay na lugar sa Caloocan at Navotas City.
Kinilala ni DDEU chief P/Major Ramon Aquiatan Jr. ang suspek na si Jeremiah Dimia, 33, ng Maypajo, Brgy. 33, Caloocan city.
Sa imbestigasyon ni PCpl Jezell Delos Santos, dakong alas-6:30 kahapon ng umaga nang mahulihan ni PSSg Ronel Tamayo ng isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu si Dimia sa loob mismo ng DDEU office sa Langaray St. Kaunlaran Village, Brgy. 14.
Dakong alas-12:30 naman ng madaling araw kahapon nang maaresto ng mga tauhan ng Navotas Police Sub-Station 3 sa pangunguna ni P/Lt. Juanito Arabejo Jr. na nagsasagawa ng patrolya at nagpapatupad ng city ordinance sa kahabaan ng Baron St. Brgy. NBBN si Edna Serrador, 54 ng Old Fishport.
Narekober ng mga pulis kay Serrador ang nasa 7.4 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P50,320.00 ang halaga.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.
- Latest























