Biyudang senior itinumba sa harap ng chapel

MANILA, Philippines — Todas ang isang biyudang senior citizen makaraang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin habang nakaupo ang biktima sa tapat ng chapel ng kanilang lugar sa Tondo, Maynila kamakalawa ng gabi.
Isinugod pa ngunit hindi na umabot ng buhay sa Tondo General Hospital ang 62-anyos na si Corazon Pandungon, nakatira sa Ampioco Street, Balut, Tondo, ng naturang lungsod.
Sa ulat ng Manila Police District-Homicide Section, naganap ang krimen dakong alas-8:35 ng gabi sa tapat ng San Roque Chapel sa may H. Lopez Street, Tondo. Nakaupo lamang ang biktima sa isang tricycle na nakaparada sa tapat ng chapel nang biglang makarinig ang mga residente ng putok ng baril.
Dito tumambad ang duguang si Pandungon habang nakitang tumatakas ang salarin na hindi umano namukhaan ng mga residente.
Hinala ng mga awtoridad na may kinalaman sa ilegal na droga ang krimen matapos na makakalap ng impormasyon na ang biktima ay sangkot din umano sa pagtutulak sa kanilang lugar.
- Latest

















