Hindi nagbigay ng isda, kargador binoga
MANILA, Philippines — Isang 22-anyos na kargador ang nasawi matapos barilin ng dalawang lalaki na nangingikil at nagbabanta sa mga trabahador sa loob ng Market 1 ng Navotas Fish Port Complex (NFPC), Navotas City, kahapon ng madaling araw.
Ayon kay Navotas police chief P/Col. Rolando Balasabas, dead-on-the-spot si Roel Batiancila ng BGA Compound, NFPC, Brgy. North Bay Boulevard North (NBBN) sanhi ng tinamong tama ng bala sa ulo.
Kinilala naman ang mga suspek na si Justine Morales, 20, pedicab driver at Jayson Caspi, 19, kapwa ng Market 3, Brgy. NBBN na naaresto sa follow-up operation ng mga tauhan ni Northern Maritime Police Station head P/Maj. Rommel Sobrido.
Batay sa imbestigasyon, habang naghahakot ang biktima ng mga batya ng isda sa loob ng St. Joseph Consignacion, Market 1 dakong- 1:30 ng madaling araw nang lumapit dito ang mga suspek at humingi ng mga isda.
Tumanggi umano ang biktima kung saan isa sa mga suspek ang naglabas ng baril at binaril si Batiancila sa ulo na nagresulta ng kanyang agarang kamatayan.
Sa isinagawang hot pursuit operation ay natunton ang mga suspek sa loob ng Market 3 subalit, bago tuluyang naaresto ay nagtangka pa ang dalawa na makipagbarilan sa mga pulis.
Narekober sa mga suspek ang dalawang caliber .38 revolver na karagado ng tatlong bala at tatlong basyo ng bala.
- Latest























