2 KTV bar sinalakay: 97 arestado
MANILA, Philippines — Dalawang high end club ang sinalakay kung saan naaresto ang nasa 97 indibidwal kabilang ang mga banyagang kustomer, dahil sa paglabag sa “Bayanihan Act” o Republic 11332 at City ordinance No. 6121, sa Pasay City, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat, alas-11:30 ng gabi ng Oktubre 2, 2020 nang isagawa ang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng Southern Police District-District Intelligence Division (DID), District Special Operations Unit (DSOU), Disrict Mobile Force Battalion (DMFB), at District Drug Enforcement Unit (DDEU), kasama ang Pasay City Police Station.
Dinatnan ng mga operatiba ang mga kustomer na pawang hindi nakasuot ng face masks at walang physical distancing habang nag-iinuman sa magkakaibang private rooms sa Club Matric at Club 78 na matatagpuan sa Brgy. 76, Macapagal Highway, Pasay City.
Nakumpiska sa mga inaresto ang nasa 1,774,165.00 cash; isang kalibre .38 na may 5 bala; at isang kalibre .45 na may 18 bala.
- Latest