Taas-presyo ulit sa petrolyo
MANILA, Philippines — Muling magpapatupad ng panibagong dagdag-presyo sa petrolyo ang mga kompanya ng langis sa darating na linggo bunsod ng lumalalang sitwasyon sa Middle East.
Sa pagtataya ng mga oil experts, tataas ang presyo ng diesel mula P.30-P.40 sentimos kada litro at kerosene mula P.30-P.40 sentimos din kada litro.
Sa gasolina, maaaring matapyasan naman ito ng P.10 sentimos kada litro o kaya naman ay walang paggalaw na magaganap dito.
Inaasahan naman na magpapatuloy ang sitwasyon sa pagtaas sa presyo ng petrolyo dahil sa tensyon ngayon sa pagitan ng Estados Unidos at ng Iran na pinaslang ang kanilang pinuno ng militar sa isang air strike.
Samantala, nagbabadya rin ang lalo pang pagsirit sa presyo dahil sa nakaumang na pagpapatupad ng ikatlo at huling excise tax sa ilalim ng TRAIN Law. Sa ngayon, ayon sa Department of Energy, wala pang oil company ang nag-abiso na nagpatupad na sila ng dagdag-presyo dahil sa panibagong bugso ng fuel excise tax sa 2020.
Inatasan ng DOE ang mga gasolinahan na magpaskil ng karatula kung ipapatong na nila ang mas mataas na excise tax sa diesel, gasolina, gaas, at liquefied petroleum gas ngunit kung mauubos na nila ang kanilang imbentaryo noong 2019.
Nabatid na sa Enero 8 pa ang pasahan ng notaryadong inventory report hanggang Disyembre 31, 2019 ng mga kompanya ng langis.
- Latest