20-40 taon sa Army reservist na pumatay sa siklista
Dahil sa away trapiko
MANILA, Philippines — Hinatulang mabilanggo ng 20 hanggang 40 taon ang isang Army reservist matapos mapatunayang guilty sa kasong murder sa isang siklista dahil sa road rage, sa Quiapo, Maynila noong Hulyo 25, 2016.
Sa desisyong ipinalabas ni Manila Regional Trial Court Branch 14 Judge Albert Tenorio kahapon (Agosto 5), pinatawan ng Reclusion Perpetua ang akusadong si Vhon Martin Tanto, kaugnay sa pagpatay sa biktimang si Mark Vincent Garalde.
Bukod sa pagkabilanggo, pinagbabayad din ng hukuman si Tanto sa pamilya ni Garalde ng P1.048 milyon bilang actual damages; P100,000 bilang civil indemnity; P100,000 bilang moral damages, at panibagong P100,000 bilang exemplary damages.
“All damages awarded shall be subject to the rate of six percent per annum from finality of this decision until its full satisfaction in line…,” bahagi ng desisyon ng hukuman.
Batay sa rekord ng hukuman, naganap ang insidente dakong alas-9:36 ng gabi, noong Hulyo 25, 2016 sa P. Casal Street sa Quiapo.
Nagkaroon umano ng pagtatalo ang dalawa dahil sa away trapiko na nagresulta upang apat na ulit na barilin ni Tanto si Garalde at nadamay pa ng ligaw na bala ang 18-anyos na si Rocel Bondoc, estudyante ng Unibersidad de Manila (UDM).
Si Tanto na may ranggong private ay na-assign sa 131st Community Defense Center, National Community Defense Group ng Army Reserve Command sa Caloocan City.
Nagtago pa si Tanto sa Bangad, Milagros, Masbate subalit naaresto rin makalipas ang apat na araw.
- Latest