Ikalimang shake drill ikinasa ng MMDA
MANILA, Philippines — Iikinasa ng Metropolitan Manila Development Authority ang ikalimang “Shake Drill” kahapon ng madaling araw na bahagi ng paghahanda sa pagtama ng malaking lindol sa bansa.
Nagsimula ang drill dakong alas-4 ng madaling araw nang pumailanlang ang text blast sa mga mobile phones at sirena at alarms sa mga sasakyan ng pamahalaan.
Inumpisahan ang drill nang pindutin ni MMDA Chairman Danny Lim ang alarm button sa kanilang tanggapan sa Guadalupe, Makati City kasama sina National Capital Region Police Office chief Major General Guillermo Eleazar at Science Undersecretary and Philippine Institute of Volcanology and Seismology director Renato Solidum.
Nagsagawa ng simulation ang mga rescuers sa mga posibleng senaryo kapag may lindol kabilang ang pagbasag sa pader ng isang gusali upang iligtas ang mga posibleng naipit sa loob.
Sa Mandaluyong, isang command center ang agad na inilagay ang mga tauhan ng City Disaster Risk Reduction and Management Office; sa Santolan, Pasig City naman inilagay sa stretcher ang mga umaktong sugatang biktima habang sa Quezon City naman isinagawa ang shake drill sa Veterans Memorial Medical Center para gayahin ang senaryo kapag nasapul ng lindol ang isang pagamutan.
Nagpahayag naman ng kumpiyansa ang mga alkalde sa Metro Manila sa kanilang kahandaan sa isinagawang shake drill.
Kaugnay nito, itinampok ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang advanced facilities at ibang resources ng lunsod na magagamit sa panahon ng kalamidad at kapag nagkaroon ng malakas na lindol. Meron na anya silang mga pasilidad pero idiniin na kailangan pang dagdagan ang mga ito.
Inutos din ni Belmonte sa Building Official na suriin ang lahat ng mga istraktura sa Quezon City laluna yaong mga gusali na pagmamay ari ng pamahalaang-lunsod dito.
Sinabi ni Belmonte na kasalukuyang isinasailalim nila sa retrofit at pinasusuri na rin ang iba pang istraktura para makita ang istabilidad ng mga gusali sa QC.
Ayon naman kay Pasig City Mayor Vico Sotto, may mga areas na kailangan pang mapahusay sa kabila ng positive performance ng mga rescuer sa kanilang lunsod.
Sa Marikina City, sinabi ni Mayor Marcelino Teodoro na nag-organisa at nagtatag sila ng protocol at joint capacity exercise para sa lunsod dahil tinataya niya ang 80-90 percent destruction sa lunsod sakaling tumama ang tinatawag na Big One.
- Latest