Habambuhay sa Chinese na drug trafficker

MANILA, Philippines — Habambuhay na pagkabilanggo ang naging hatol ng hukuman sa isang Chinese national matapos itong mapatunayang nagkasala sa pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot kahapon ng umaga sa Makati City.
Sa limang pahinang desisyon ni Makati City Regional Trial Court (RTC), Branch 63 Judge Selma Palacio Alaras, kinilala ang sinentensiyahan na si Shi Jian Jia.
Pinagbabayad din ng korte ng halagang P500,000 ang dayuhang akusado bilang danyos perwisyo.
Base sa record na isinumite sa korte, ang akusadong dayuhan ay napatunayang nagkasala sa kasong paglabag sa Section 5, Article 2, Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act kaugnay sa pagbebenta nito ng nasa 2.8 kilo ng shabu.
Dahil walang interpreter, si Shi, tumulong ang isang abogadong nakakapagsalita ng Chinese at gumamit na lamang din ng google translate para maunawaan ang hatol ng korte laban sa kanya.
Matatandaan na si Shi ay naaresto sa isang drug raid sa Makati City noong Marso ng nakalipas na taon.
Nagkaroon ng follow up operation, kung saan nabisto ang isang shabu laboratory sa Muntinlupa City, kung saan nasamsam ang nasa limang milyong halaga ng droga.
Napag-alaman na dito umano kumukuha si Shi ng mga droga na ibinebenta nito sa kanyang mga parokyano.
- Latest





















