34 toneladang basura nahakot sa Manila Bay

MANILA, Philippines — Nasa pitong truck na katumbas ng nasa 34.31 tonelada ang nahakot na basura na sinasabing “eyesore” ng Metropolitan Development Authority (MMDA) kahapon sa baybayin ng Manila Bay sa Roxas Boulevard sa Maynila.
Simula pa lamang ng alas-7:00 kahapon ng umaga ay daan-daang streetsweeper mula sa ibat-ibang panig ng Metro Manila ang nagtulung-tulong para hakutin ang mga basurang inanod ng alon sa Manila Bay, malapit sa embahada ng Estados Unidos.
Ang mga nahakot na basura ay kinabibilangan ng mga kawayan, kahoy mula sa mga fish pens, water hyacinths, plastics, household waste at mga basurang mula sa mga estero at creeks.
Ang cleaning operation at pagiging eco-warrior ay pinangunahan ni MMDA Chairman Danilo Lim kasama ang mga kawani ng MMDA upang itaguyod ang environmental consciousness.
“The Manila Bay cleanup activity is part of the MMDA’s 43rd anniversary celebration and we intend to continue this for the remaining Saturdays of the month,” ayon ito kay Francis Martinez, head ng MMDA Metro Parkways Clearing Group (MPCG).
Bukod sa MMDA, umayuda rin sa kanila ang mga kawani ng Manila City hall at ito rin ang nag-provide ng 7 dump truck na paglalagyan ng mga basura, na dadalhin sa Pier 18 at sa sanitary landfill.
- Latest



















