Tondo fire: 5 mag-uutol patay
MANILA, Philippines — Limang magkakapatid na paslit ang nasawi habang isa pa ang nasa pagamutan sa sunog na naganap sa Tondo, Maynila, kahapon ng umaga.
Kinilala ni Manila-Bureau of Fire Protection, Arson Investigation chief, Senior Inspector Reden Alumno ang mga nasawi na sina John Mike Christer Germeniano, 12; Baby Michael, 7; Marcel, 5; Miel Michael, 4 at bunso na si Mikaela, mahigit isang taong gulang na pawang nakulong sa banyo ng kanilang bahay.
Nakaligtas ang isa pang kapatid na si John Michael Germeniano na sinasabing tumalon sa bintana at siyang nagbalita na nasusunog ang kanilang bahay.
Ilang residente rin ang naisugod sa ospital na binigyan ng first aid ng Philippine Red Cross.
Umakyat sa ikalimang alarma ang sunog wala pang isang oras nang magsimula ito alas- 9:15 ng umaga dahil pawang yari sa light materials ang bahay na nag-umpisa umano sa Laperal St., sa panulukan ng Herbosa St., Tondo, Maynila sa isang commercial at residential area kung saan nadamay din ang mga kadikit pang kabahayan.
Nabatid na nagawa pang itinakbo sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang apat na nasawi habang ang isa ay sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center pero pawang bigong maisalba ang buhay ng mga ito.
Isa umanong tindera sa palengke ang ina habang pumapasada ng sidecar ang ama ng mga biktima na kapwa wala sa bahay ng maganap ang sunog.
Dakong ala-1:31 nang idineklarang fire-out ang sunog.
Patuloy pa ring inaalam ang sanhi ng sunog.
Pansamantalang nanuluyan ang mga apektadong pamilya sa covered court ng Barangay 91, sa Tondo.
Related video:
- Latest