Prangkisa ng 24K tricycle sa Quezon City, bubusisiin – Joy Belmonte
MANILA, Philippines — Bubusisiin ng Quezon City Council sa pamumuno ni Vice Mayor Joy Belmonte ang may 24,700 legitimate franchise ng mga tricycle sa lungsod.
Ito ayon kay Belmonte ay upang malaman kung alin sa mga tricycle ang dapat nang alisin sa mga ruta na dinadaan nito at kung alin ang dapat manatili.
“Taong 1996 pa po kasi nabigyan ng QC Franchising Board ng franchise ang 24,700 mga tricycle noong time na yun ay wala pang alternate route, ngayon po mayroon na kaya po pag- aaralan naming mabuti ito” pahayag ni Belmonte sa press conference.
Kaugnay nito, sinabi ni Belmonte na alinsunod sa local ordinance ay pinapayagan ang isang tricycle na dumaan sa national road kung wala itong alternate route patungo sa kanyang destinasyon.
Anya, bubuo ng isang Technical Working Group (TWG) ang QC government kasama ang Department of Public Order and Safety (DPOS), barangay, QC Council-Committee on Transportation at MMDA para mag-aral at malaman kung may alternatibong mga daan na maaaring gamitin ng mga tricycle.
Sinabi pa ni Belmonte na makikipag-usap siya sa Engineering department ng QC Hall kung maaaring magkaroon ng design sa tabi ng entrance ng mga paaralan ang mga tricycle na maghahatid ng mga mag aaral na hindi dadaan ng national road.
Sa press conference, sinabi naman ni Col. Bong Nebraja, operations manager ng MMDA na patuloy silang manghuhuli ng mga tricycle laluna yaong mga lumalabag sa batas trapiko
“Manghuhuli pa rin kami, para maipatigil namin ang panghuhuli ay kailangan naming makuha ang request ng DPOS sa amin para itigil ang operation namin habang nag-aaral para rito ang TWG” dagdag ni Nebraja.
Kahapon ay patuloy ang operasyon ng MMDA kung saan nasa 40 mga tricycle ang kanilang pinaghuhuli habang pumapasada sa Katipunan Avenue. (Lordeth Bonilla)
- Latest