Sunog sa Pasig: 3 magkakapatid, patay
MANILA, Philippines — Patay ang tatlong magkakapatid na paslit makaraang masunog ang kanilang tahanan bunsod ng napabayaang nakasinding kalan sa Brgy. Pinagbuhatan, Pasig City kahapon ng umaga.
Kinilala ang mga biktima na sina BJ Navidas, 2; John Andrew Navidas, 4 at Princess Joy Navidas, 7, pawang residente ng San Isidro Street, Centennial 2, Nagpayong 2, sa Brgy. Pinagbuhatan sa lungsod.
Sa ulat ng Pasig City Fire Department, nabatid na ang sunog ay naganap dakong alas-6:27 ng umaga sa bahay ng mga biktima.
Sinasabing maagang nagising ang ina ng mga bata at nagpakulo ng tubig na pang-kape.
Habang hinihintay ang pagkulo ng tubig ay naisipan ng ginang na iwanan na muna ito at bumili ng pandesal sa kalapit na tindahan. Iniwanan rin ng ginang ang mga anak sa loob ng tahanan na noon ay natutulog pa.
Laking paghihinagpis ng ginang nang sa kanyang pag-uwi ay nakitang nilalamon na ng apoy ang kanilang tahanan.
Sinabi ni SFO4 Eduardo Rosales, arson investigator, agad silang nagresponde sa sunog pero pagdating sa lugar ay tupok na ang bahay ng mga biktima.
Sa isinagawang mopping up at clearing operation at doon nadiskubre ang sunog na katawan ng magkakapatid.
Umabot lamang ng unang alarma ang sunog at nagtagal ng 26 na minuto dahil gawa lamang sa light material at lumang kahoy ang tahanan ng mga biktima na naapula dakong alas-6:53 ng umaga.
- Latest