Station commander, 10 tauhan sibak sa kotong
MANILA, Philippines — Sinibak na sa puwesto kahapon ni Quezon City Police District (QCPD) director P/Chief Supt. Joselito Esquivel Jr., ang Station Commander ng Galas Police Station (PS-11), hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) at siyam nitong tauhan matapos na masangkot sa pangongotong sa mga inarestong drug suspects sa lungsod.
Kinilala ni Esquivel ang mga nasibak na sina Chief Inspector Erwin Guevarra, hepe ng SDEU ng Galas PS-11; mga tauhan nitong sina PO2 Noel Sanchez, PO1 Edward Ramos, PO1 Michael Eric Ramirez, PO1 Ray John Rodriguez, PO1 Gaudencio Escoton Jr, PO1 Sepzon Suclad, PO1 John Ryan Rodriguez, PO1 Dennis Eria at PO1 Leny Atma.
Samantalang sibak rin sa puwesto si PS-11 Commander P/Supt. Igmedio Bernaldez kaugnay ng command responsibility.
Una rito, inatasan ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief P/Director Camilo Pancratius Cascolan si Esquivel na agarang sibakin ang nasabing mga pulis at isailalim ang mga ito sa restricted custody sa Camp Karingal habang isinasagawa ang imbestigasyon laban sa mga ito.
Ang nasabing mga pulis ay nahaharap sa kasong admi-nistratibo at kriminal kaugnay ng asunto laban sa mga ito.
Sinabi ni Esquivel na ang aksyon laban sa nasabing mga pulis ay isinagawa matapos itong ireklamo ni Lorenzo Miguel Soriano, kamag-anak ng isa sa mga naarestong drug suspects na nagtungo sa QCPD headquarters sa Camp Karingal dakong alas-5:30 ng hapon nitong Huwebes at isinumbong na hinihingan ng mga umarestong pulis ng pera ang pamilya ng mga inaresto kapalit ng pagpapalaya sa mga ito.
Sa salaysay ni Lorenzo, dakong alas-4:30 ng mada-ling araw nitong Huwebes ng arestuhin ng anti-drug operatives ng Galas PS-11 ang kaniyang tiyuhing si Flexis Jeffrey Soriano, 40, negos-yante at ang driver nitong si Efren Ferrer, 45; kapwa ng San Carlos City, Pangasinan kaugnay ng kasong illegal drugs at illegal possession of firearms sa buy bust operation sa E. Rodriguez cor. Tomas Morato, Bry. Kristong Hari, Quezon City.
Ang mga suspect ay dinala sa Galas PS-11 headquarters kung saan ang mga ito ay hinihingan ng P200,000.00 kapalit ng hindi na pagsasampa ng kaso at pagpapalaya sa mga ito.
Ang nasabing halaga ay idineliber ni Lorenzo dakong alas-9:20 ng umaga sa himpilan ng SDEU Office kung saan ay hinihintay nitong palayain ang kaniyang tiyuhin at driver nito.
Gayunman, bandang alas-4 ng hapon ng nasabi ring araw ay muling humirit ang mga arresting officers ng karagdagang P100,000.00 bago umano makalaya ang dalawa kaya napilitan na si Lorenzo na dumulog na sa QCPD headquarters sa Camp Karingal.
Sinabi ni Esquivel na agad isinagawa ang entrapment operation na nagresulta sa pag-kakaaresto sa mga suspect.
Inihayag pa ng opisyal na maliban sa kasong kriminal na robbery/extortion ay lilitisin rin ang mga suspect sa kasong administratibo.
- Latest



















