Prangkisa sa mga tricycle sa Quezon City, aayusin ni Joy Belmonte
MANILA, Philippines — Upang makabawas sa masikip na daloy ng trapiko at mapabuti ang kabuhayan ng mga tricycle driver at operator pinag-aaralan na ni Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte ang pagsasaayos ng mga prangkisa ng tricycle sa lungsod.
Upang maisaayos ang hakbang, nakipagkasundo na si Belmonte sa University of the Philippines (UP) para sa isang pag-aaral na makakatulong para mapabuti ang tricycle system sa QC.
“Basically, we’ll just transfer franchises from ‘over-served’ routes to ‘under-served’ ones. Lalagyan natin ng prangkisa ‘yung mga lugar na kokonti o walang nag-ooperate na tricycle,” paliwanag ni Belmonte.
Sinabi ni Belmonte na binubuo na niya ang isang panukalang ordinansa para dito at malaki ang kanyang paniwala na ito ang magbibigay daan para maresolba ang sobrang dami ng tricycle sa isang lugar na kakaunti naman ang mga pasahero.
Aabot sa higit 24,000 ang mga lehitimong tricycles sa lungsod mula sa 150 tricycle operators and drivers’ associations o TODA.
Bukod pa rito ang tinatayang 5,000 hanggang 10,000 na mga kolorum.
Ang napakaraming tricycle sa mga “over-served” na ruta ay sinasabing nagpapabigat ng trapiko hindi lamang sa mga sekondaryang lansangan kundi pati na rin sa mga pangunahing lansangan kung saan bawal ang mga tricycle.
Nitong Agosto lang ay nagsagawa ng operasyon ang QC Tricycle Franchising Board laban sa mga kolorum na tricycle at mahigit 100 sidecar ang kinumpiska at winasak sa ilalim ng Quezon City Tricycle Management Code of 2014.
Ang operasyon na ito ay isinagawa ng lokal na pamahalaan bilang suporta sa kampanya ng pamahalaan upang maayos ang problema sa trapiko at tugon na rin sa reklamo ng mga residente at lehitimong tricycle operators.
- Latest