Police Colonel na nahuling nagsa-shabu, positibo sa drug test
MANILA, Philippines - Nag-positibo sa isinagawang drug test ng PNP Crime Laboratory (PNP-Crime Laboratory) sa Camp Crame si Supt. Lito Cabamongan matapos naman itong mahuli ng mga awtoridad sa aktong nagpo-pot session sa isang bahay sa Las Piñas City, kamakalawa.
Si Cabamongan, ay ang nasibak na hepe ng PNP Crime Laboratory Satellite Office sa Alabang, Muntinlupa City na matapos maaresto ay isinalang sa drug test habang isinasailalim sa masusing imbestigasyon. Sa kasalukuyan ang opisyal ay nakatalaga sa General Services Section (GSS) Administration and Records Management Division sa PNP Crime Laboratory sa National Headquarters ng PNP.
“Positive sa initial test pa lang. He will be subjected to confirmatory test and the result will be known next week. Our basis, legally, is the result of the confimatory test”, pahayag ni Chief Supt. Aurelio Trampe, Chief ng PNP Crime Laboratory.
Ayon kay Trampe na kapag lumitaw na posi-tibo sa paggamit ng droga sa confirmatory test si Cabamongan ay ito ang pagbabasehan ng pagsasampa ng karagdagang kasong grave misconduct upang tuluyan na itong masibak sa serbisyo.
Si Cabamongan, 50 at isa pang drug user na si Nedy Sabdao, 44, ay nahuli ng mga operatiba na sumisinghot ng shabu sa loob ng isang bahay sa Everlasting Homes, Brgy. Talon IV bandang alas -5:30 ng umaga noong Huwebes. Ang mga suspect ay ipinagharap ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Samantalang isasalang rin sa neuro psychiatric test si Cabamongan dahilan sa hindi magandang inasal nito nang iharap ito ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief P/Director Oscar Albayalde kay PNP Chief P/Director General Ronald “Bato’’ dela Rosa sa press briefing sa Las Piñas City.
Sa nasabing insidente ay walang pasubaling sinagot-sagot ng pabalang at hindi binigyan ng respeto ni Cabamongan si dela Rosa na sinabing nagsu-surveillance lamang umano siya sa lugar at hindi tumitira ng droga para umano manghuli ng mga drug addict.
Ikinatwiran naman ni dela Rosa na sa ilalim ng internal cleansing ng PNP ay wala sa mandato ni Cabamongan ang manghuli ng mga drug personality dahilan ang bagong tatag na PNP-Drug Enforcement Group (PNP-DEG) ay inatasan niya para sa nasabing misyon.
Inihayag pa ni dela Rosa na matagal ng dapat nasibak sa serbisyo si Cabamongan matapos itong unang arestuhin kamakailan dahilan sa panggugulo sa isang sinehan kung saan nagpumilit itong manood ng sine ng libre dahilan isa umano siyang opisyal.
Sa rekord ng PNP-Crime Laboratory, sinabi ni Trampe na si Cabamongan ang pinakamataas na opisyal ng PNP na nagpositibo sa drug test.
- Latest