Pahinante, tinaniman ng bala sa ulo
MANILA, Philippines - Isang pahinante na sinasabing lider ng isang gang na tinaniman ng bala sa ulo at nakagapos pa ang kamay sa likod ang natagpuang patay, kamakalawa ng gabi sa Tondo, Maynila.
Batay sa report, ang biktimang si Renato Puro na umanoy lider ng ‘Puro Gang’ at kilala rin sa alyas Mata, ng Road 10 Riverside, Vitas, Tondo ay itinapon ng sakay ng motorsiklo sa Brgy. 101, Zone 8 dakong alas-11 kagabi.
Labis naman ang hinagpis ng live -in partner ng biktima na si Mary Ann De Luna, 21 sa nangyari sa asawa kung saan dalawang araw na itong nawawala bago natagpuang patay.
Ayon kay Mary Ann, hindi aniya nasasangkot sa iligal na droga ang biktima at wala rin itong alam na nakaalitan.
Gayunman, may nakuhang isang maliit na plastic tube, kulay pulang transparent plastic sachet ng shabu ang mga awtoridad sa bulsa ng biktima.
Sinasabi ring responsable sa iligal na aktibidad ang biktima at may sarili itong gang.
Hinala naman ng pulisya, posibleng niresbakan ito ng kasamahan sa grupo at saka itinumba. Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa krimen.
- Latest